11 kandidato, inendorso ni Duterte sa pagka-senador

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2019 12:49 AM | Updated as of Feb 15 2019 10:00 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Dumalo sa PDP-Laban kickoff rally si Pangulong Rodrigo Duterte para personal na ikampanya ang mga kandidato ng partido at ilan pa para sa pagkasenador.

Lima ang official senatorial candidates ng partido. Sila ay sina Maguindanao Rep. Zajid "Dong" Mangudadatu, dating PNP chief Ronald "Bato" Dela Rosa, Sen. Koko Pimentel, dating special assistant to the president Bong Go, at dating presidential adviser Francis Tolentino. 

Tinawag niyang matalino si Mangudadatu. Si Dela Rosa naman daw kaya niya pinatakbo ay dahil graduate ng PMA at dahil matapang siya at mahal niya ang bayan.

Si Go naman sinabi rin ng pangulo na tapat, mayaman, at ang puso ay sa pagbibigay ng serbisyo, habang si Pimentel naman sinabi niyang bar topnotcher at mahusay bilang abogado.

Pinuri rin niya si Tolentino na aniya mabait na tao at walang kalokohan.

Sa mga guest candidates naman, binanggit ni Duterte si Sen. Sonny Angara na binansagan niyang isang tax expert, si Pia Cayetano na sinabi niyang progressive lawmaker, at si JV Ejercito na marunong.

Nilinaw naman ng pangulo bagaman 'di niya binanggit sa speech, sinusuportahan din niya ang mang-aawit na si Freddie Aguilar. 

Hindi naman daw kasama si Jinggoy Estrada sa mga personal na ieendorso niya at binanggit lang daw niya ang pangalan nito dahil naroon siya sa isang event na dinaluhan niya.

Paglilinaw naman ni Duterte sa ambush interview sa kaniya na ang mga kandidato ngayong gabi na kinabibilangan ng senatorial slate ng PDP-Laban at 6 na guest candidates ang opisyal na niyang susuportahan sa halalan. 

Nirerespeto rin aniya ang desisyon ng anak na si Sarah Duterte-Carpio na mag-endorso ng sarili niyang mga kandidato, pero hindi raw lahat nito ay susuportahan niya.

Bigla namang humingi ng tawad si Duterte kay Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez dahil sa pagkakapatalsik sa kaniya bilang House speaker. Hindi raw niya kontrolado ang kaniyang anak na si Sarah. 

Samantala, sinabi rin ng pangulo sa kaniyang talumpati na handa siyang iendorso si Manny Villar kung nais nitong tumakbo bilang pangulo sa susunod na halalan.