Valentine's Day ng mga preso, pinatamis ng BJMP

Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2018 01:19 PM

Ikinatuwa ng persons deprived of liberty ang Valentine's Day pakulo ng Bureau of Jail Management and Penology sa Dagupan City. Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

MANILA - Kahit na nasa likod ng rehas, espesyal pa rin ang pagdiriwang ng Valentine's Day para sa mga preso sa Dagupan City at kanilang mga asawa, sa tulong ng programa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Pinayagan ng BJMP na mabisita ang mga preso ng kani-kanilang mga asawa at kasintahan.

May mga nakatanggap ng bulaklak at tsokolate gaya ng 46-anyos na si alyas Jerry mula sa kaniyang misis. Bonus pa ang love letter mula sa 8-taong gulang na apo nito.

“Masayang-masaya kasi nakapag-date pa rin kami ni misis kahit nandito ako sa loob. Parang nasa labas na rin ang feeling," sabi ni Jerry.

Ayon naman sa asawa ni Jerry, hindi hadlang ang mga rehas sa kanilang pagmamahalan.

“Kahit nandito siya parati ko siyang dadalawin. Masaya ako kapag kasama siya,” sabi ng ginang.

Pumatok din sa mga bisita ang game na Mr. & Ms. Right, kung saan naka-piring na pumili ang mga kalahok ng mga makaka-date.

Bukod sa mga magkasintahan at mag-asawa, pagkakataon din ang programa para mapagbuklod ang pamilya.

“Para naman maramdaman niya na mahal ko siya at hindi siya nag-iisa," ayon sa nanay ng isang preso.

“Mahal na mahal ko ang pamilya ko. Salamat sa pagbisita ng nanay ko," sabi ng binisita.

Nagkaroon din ng salo-salo pagkatapos ang programa.

“Para ma-feel din nila na hindi sila iba sa mga nasa labas. Pwede rin silang mag-date at mag-enjoy rito at makasama ang mga mahal nila kahit saglit lang," ani JO1 Rosadel Japson, Assistant Paralegal and Community Relations Service ng BJMP.

Hindi lang daw tuwing Araw ng mga Puso maaaring bisitahin ang mga persons deprived of liberty dahil may conjugal visit naman araw-araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.