Quiboloy, nakabalik na sa bansa matapos madetene sa Hawaii

ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2018 08:48 PM | Updated as of Sep 18 2018 11:01 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakabalik na sa bansa ang Kingdom of Jesus Christ founder na si Apollo Quiboloy matapos madetene sa Hawaii dahil sa daan-daang libong dolyar na nakita sa sinakyan niyang private plane.

Tumangging magbigay ng pahayag sa media si Quiboloy nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport.

Base sa ulat ng Honolulu news agency na Hawaii News Now, nakitaan ng $350,000, o katumbas ng P18.2 milyon, at mga parte ng mga armas sina Quiboloy at limang iba pang sakay ng isang private plane na paalis na sana papuntang Pilipinas galing sa Honolulu, Hawaii. 

Nasamsam ng U.S. Customs and Border agents ang $100 bills na nakatupi at ipinasok umano sa mga medyas na nasa loob ng isang suitcase o maleta.

May nakita ring parte ng military-style rifles.

Sa ilalim ng batas ng Amerika, kinakailangang ideklara ang pagdadala ng higit sa $10,000 palabas ng bansa.

Inako ng isang kasamahan ni Quiboloy na si Felina Salinas, isang U.S.citizen, na sa kaniya ang suitcase. 

Pero ang idineklara ni Salinas na bitbit niya ay $40,000 lamang kaya kinasuhan siya ng attempted bulk cash smuggling. 

Nakapagpiyansa na si Salinas.

Si Quiboloy naman, nadetene ng halos isang araw pero pinayagan ding makaalis ng Hawaii at makabalik ng Pilipinas.

Naiwan sa Hawaii ang private plane ni Quiboloy na nagkakahalaga ng US$15 million. Sinisikap na ng mga awtoridad sa Amerika na makumpiska ito.

Bukod sa pagiging religious leader ng grupong mayroong anim na milyong miyembro sa buong mundo, kilala din si Quiboloy bilang loyal supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang pinapahiram ni Quiboloy ang pangulo ng private planes.

Noong nakaraang taon lang, nagpadala rin si Duterte ng birthday cake para sa kaarawan ni Quiboloy noong Abril.

-- Ulat nina Michael Delizo at Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.