Magsasaka, patay sa pamamaril

Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2018 09:56 PM

Patay ang 53-taong-gulang na magsasaka nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang mga salarin, Miyerkoles, malapit sa kanilang bahay sa Barangay Jose sa bayan ng Rosario, La Union.

Hindi pa rin makapaniwala si Lourdes Corpuz sa nangyari sa kanyang kasintahan na si Benjamin Bangalit.

Pauwi na sana sa bahay si Bangalit habang nakasakay sa motor matapos ihatid ang dalawang anak sa eskwelahan.

"Wala naman kaming kaaway, maganda naman 'yung pagsasamahan namin, wala namang problema," ani Corpuz.

Base sa imbestigasyon ng mga pulis, tinambangan umano ng mga salarin ang biktima sa tulay na malapit sa bahay nito.

"May dalawang lalaking dito mismo sa side na 'yan, bigla na lang siyang binaril kaya siya natumba, umalis na rin 'yung mga gunman," ani SPO1 Allan Padilla, imbestigador ng Rosario Police.

Nagtamo ng dalawang tama ng bala ang biktima na ikinamatay nito.

Sa CCTV ng Barangay Inabaan Norte, ang katabing barangay ng pinangyarihan ng pamamaril, nakitang may dalawang naka-helmet na sakay sa isang motorsiklo na kulay pula ang dumaan ilang minuto matapos ang pamamaril.

Sila ang pinaghihinalaang responsable sa pamamaril kay Bangalit.

May mga witness umano ang mga pulis na nagsabing ang mga nakasakay sa motor ang bumaril sa biktima

Payo naman ng mga pulis, agad ipaalam sa pulisya kung may banta sa seguridad.

"Kapag alam nila na medyo in danger ang buhay nila, i-report nila sa amin para at least naka-put into record kung may problema man sila o kaaway," ani Padilla.

Hiling ng pamilya Bangalit na mabigyang hustisya ang pagkamatay ng kanilang padre de pamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.