Libo-libong kaha ng pekeng sigarilyo, kumpiskado sa Bacolod

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2018 02:53 PM | Updated as of Sep 17 2018 12:51 PM

BACOLOD CITY - Hindi bababa sa 18,790 na kaha ng pekeng sigarilyo ang nakumpiska ng mga awtoridad mula sa 2 bahay dito sa lungsod, Huwebes.

Nasa 2,790 na kaha ng pekeng sigarilyo ang nakuha mula sa bahay ni Adam Mangoda sa Barangay 35 habang 16,000 na kaha ang nakuha mula sa abandonadong bahay sa JR Torres Subdivision sa Barangay Singcang Airport. 

Ang mga sigarilyo na may mga pekeng selyo ay ibinebenta ng P28 bawat kaha, mas mura sa mga original na produkto, ani Eduardo Pagulayan Jr., hepe ng Bureau of Internal Revenue dito sa probinsya.

Naaresto si Mangoda matapos makakuha ng reklamo mula sa ilang manufacturer ng sigarilyo.

Ayon kay Mangoda, ibinigay na niya sa mga awtoridad ang pangalan ng mga supplier ng mga pekeng produkto.

Haharap sa kasong Illegal Possession of Excisable Products si Mangoda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.