Lalaki patay nang manlaban umano sa pulis

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2018 09:14 PM

GENERAL SANTOS CITY - Patay ang isang hindi pa kilalang lalaki matapos mabaril ng mga pulis Miyerkoles ng madaling araw sa Barangay Lagao dito sa siyudad. 

Ayon sa ilang residente, ikinagulat nila nang umalingawngaw ang putok ng baril.

Salaysay naman ni Chief Insp. Peter Pinalgan, hepe ng Police Station 3 ng General Santos City Police, may nag-report sa kanila na may kahina-hinalang lalaki na nasa bubong ng isang pharmacy sa lugar.

Nang rumesponde ang pulisya, nakita nila ang lalaki at nagtangka umano itong bumunot ng baril.

Nakuha mula sa lalaki ang itim na bag na may lamang mga gamit pambutas ng bubong at isang baril.

Ayon sa pulisya, maaring miyembro ng isang grupo ng mga kawatan ang lalaki pero wala pa umano silang matibay na ebidensiya.

Inaalam pa rin ang pagkakakilanlan ng lalaki.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.