Indian medical student, timbog sa buy-bust

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2018 08:32 PM | Updated as of Sep 18 2018 10:40 AM

VIGAN CITY - Arestado ang isang Indian medical student sa isinagawang buy-bust operation sa isang boarding house sa Barangay Tamag, Vigan City madaling araw ng Huwebes.

Nakuha mula sa estudyante ang tuyong marijuana, drug paraphernalia at P500 na marked money.

Ayon sa pulisya, dalawang linggo na silang nakakatanggap ng report na nagsasabing nagbebenta ng ilegal na droga ang Indian national sa kanyang mga kapwa estudyante sa University of Northern Philippines.

Dagdag pa ni Superintendent Marlo Castillo, hepe ng Vigan City Police, naaktuhan pang gumagamit ng bawal na gamot ang nasabing Indian.

Nasa pangangalaga na ng pulisya ang suspek na haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Iniimbestigahan na rin ng pulisya kung saan kinukuha ng suspek ang kanyang suplay ng ilegal na droga.

Inihahanda na ang mga dokumento na isusumite sa Bureau of Immigration pero tumanggi munang magbigay ng pahayag ang ahensiya hangga't hindi pa natatanggap ang mga nasabing dokumento.

Nakarating na rin sa pamunuan ng University of Northern Philippines ang nangyari at pinag-aaralan na ang magiging aksyon nila laban sa suspek.

Tumangging humarap sa media ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.