Ilang tindero, nahuling naghuhugas ng carrots sa maruming creek sa La Trinidad

Melinda Ramo, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2018 09:09 PM

Ilang tindero ang nakitang naglilinis ng panindang carrots sa isang maruming creek sa La Trinidad, Benguet. Photo courtesy of Barangay Pico, La Trinidad Benguet

Nadiskubre ang ilang tindero na naghuhugas ng carrots sa isang maruming creek sa Barangay Pico sa La Trinidad, Benguet. 

Minsan nang inireklamo ang creek na ito dahil sa sobrang dumi. Pero bukod dito, may isa pang isyu na isinumbong ang mga residente.

Anila, ang ilang nagtitinda ng carrots, dito umano naghuhugas ng kanilang paninda. 

Tuwing umaga, aabot sa sampung taong may dalang mga carrots ang naghuhugas nito sa nasabing creek.

Nitong Huwebes, binisita ng news team ang creek. Nadatnan dito ang isang matanda, pero todo iwas siya nang tanungin. 

May mga naiwang carrots sa creek, mga brush panlinis at isang sako. 

Nang buksan, nakumpirmang carrots ang laman nito.

Ayon kay Kagawad Virginia Fianza ng Barangay Pico, limang taon na ang nakalilipas nang mapansin nilang may mga tindero na naglilinis ng paninda sa creek. 

Pinagsasabihan naman umano nila ang mga ito pero hindi umano sila tumitigil.

Nagroronda rin umano sila para muling patigilin ang mga ito. Hinala nila, ibinebenta ang mga carrots sa Baguio City.

Nagbabala ang Provincial Health Officer ng Benguet na si Dr. Nora Ruiz laban dito. 

Aniya, maaaring may bacteria, viruses, at parasitic worms at toxic substances sa maruming tubig. Maari itong pagmulan ng waterborne diseases tulad ng amoebiasis at typhoid fever.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.