Ilang state university, college, tinatanong kung bakit naniningil

ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2018 09:31 PM | Updated as of Aug 27 2019 04:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinagpapaliwanag ng Senado at House of Representatives ang Commission on Higher Education (CHED) kung bakit tuloy ang paniningil ng ilang state universities and colleges (SUCs) ng miscellaneous fees at tuition gayong may batas na nagsusulong ng libreng edukasyon.

Ayon kay Sen. Bam Aquino, dapat i-refund ng CHED at mga SUC ang mga siningil sa mga estudyante.

"Napondohan na natin ito, ayaw pang ibigay sa mga estudyante," ayon kay Aquino.

Matatandaang pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act noong Agosto ng nakaraang taon.

Layon ng batas na gawing libre ang tuition at lahat ng mga iba pang bayarin sa mga SUCs, local universities and colleges, at state-run technical vocational institutions.

Isa si Rejhon Modesto, estudyante ng Polytechnic University Philippines (PUP), sa mga nasingil umano ng miscellaneous fee ngayong second semester.

Marami ring mga estudyante ang umaaray sa laki ng miscellaneous fees na ipinapataw sa kanila ng ilang SUCs.

Tumangging magkomento ang CHED, pero base sa panayam kay OIC Popoy de Vera noong Enero 24, mawawala lang umano ang sinisingil na miscellaneous fees kapag naipatupad na ang batas sa darating na Hunyo. 

Ganito rin ang paliwanag ng PUP.

Pero hindi ito tinanggap ng Senado at ng mababang kapulungan ng Kongreso.

Plano naman ng ilang mga estudyante na mag-walk out ngayong Pebrero 23 para igiit ang libreng edukasyon sa bansa.

--Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.