Ilang kalsada sa Binondo, sarado sa mga motorista simula alas-8 ng gabi

ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2018 05:09 PM

Ilang kalsada sa Binondo, Maynila ang hindi madaranaan ng mga motorista sa Huwebes ng gabi kasabay ng pagsalubong sa Chinese New Year.

Sa abisong inilabas ng Manila Police District (MPD) Traffic Enforcement Unit, magpapatupad ng partial closure o isasara ang isang lane ng kalsada simula alas-8 ng gabi sa Reina Regente Street mula sa bahagi ng Soler Street hanggang Plaza Ruiz.

Pagsapit naman ng alas-11 ng gabi, ipatutupad ang full road closure o ganap nang isasara ang mga naturang kalsada para sa pagdiriwang ng Chinese New Year countdown.

Inabisuhan ang mga motoristang magmumula sa Jose Abad Santos Street at dadaan sa Reina Regente na kumaliwa sa Recto Avenue bilang alternatibong ruta patungo sa kanilang destinasyon. 

Lahat naman ng mga sasakyang magmumula sa Jones Bridge ay maaaring kumanan sa Ongpin Street o dumeretso sa Juan Luna Street patungo sa kanilang paroroonan.

Ang mga sasakyang tatahak naman sa eastbound ng Soler Street patungong Plaza Ruiz ay pinayuhang kumaliwa sa Reina Regente o kaya ay dumeretso ng Arrangque Market papunta sa kanilang destinasyon.

Lahat ng mga sasakyang babaybayin ang westbound ng Soler Street papuntang Plaza Ruiz ay maaaring kumanan ng Reina Regente papunta sa kanilang paroroonan.

Nagpaalala ang MPD Traffic Enforcement Unit na kung wala namang mahalagang lakad sa mga nabanggit na lugar ay iwasan munang dumaan dahil maaaring makaranas ng matinding trapiko.

Itinuturing na pinakamatandang Chinatown sa buong mundo ang distrito ng Binondo na itinatag noong 1594.

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.