Barangay chairman, 2 iba pa, tiklo sa drug bust

Arianne Apatan at Noel Elvena, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2018 08:06 PM

Nakumpiska ng awtoridad ang 2 baril, hinihinalang shabu, mga bala, at iba pang mga dokumento mula sa target na si Kanakan Bagundang, chairman ng Barangay Guiawa sa Northern Kabuntalan, Maguindanao, at 2 pang kasama sa isinagawang paghahain ng search warrant sa Cotabato City. Arianne Apatan, ABS-CBN News


COTABATO CITY – Arestado ang isang barangay chairman at dalawang iba pa sa operasyon ng mga awtoridad Miyerkoles ng gabi sa Cotabato City.

Nakilala ang mga ito na sina Kanakan Bagundang, chairman ng Barangay Guiawa sa Northern Kabuntalan, Maguindanao, anak niyang si Mike, at isang Nasrudin Juanday.

Si Bagundang umano ang main target ng operasyong ginanap sa Buliao 3, Poblacion Mother Barangay sa Cotabato City.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) regional office, si Bagundang ay nasa Top 4 ng priority target list sa probinsiya ng Maguindanao.

“Considered as family business nila then medyo malawak 'yung sakop nila kasi nakakapag-supply sila ng drugs sa city, North Cotabato, Maguindanao, South Cotabato at General Santos,” sabi ni PDEA-Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Information Officer Jo Mary.

Nakuha mula sa operasyon ang mga sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P150,000, dalawang kalibre .45 na baril, mga bala, digital weighing scale, passport at mga tseke.

Pinabulaanan naman ni Bagundang ang paratang laban sa kaniya.

“Hindi ko alam 'yung sinasabi nila dahil kami sa barangay hindi puwede 'yang droga. Pero 'yung baril na isa, sa akin 'yun kasi na-expire na ang papeles,” sabi niya. 

Ang bayan ng Northern Kabuntalan sa Maguindanao ay may 11 barangay kung saan 10 rito ay naideklara nang drug free ng PDEA-ARMM noong Hulyo 2017, kabilang ang Barangay Guiawa.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.