Abong nakapaso nang pinang-krus sa noo, sinusuri

ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2018 08:50 PM | Updated as of Sep 26 2018 02:30 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Ilang parokyano ng San Roque Cathedral-Parish sa Caloocan City ang nalapnosan ng noo matapos pahiran ng abo noong Miyerkoles, kasabay ng paggunita sa Ash Wednesday.

Sunod-sunod ang pagpunta ng mga parokyano, kabilang ang mga bata, sa klinika ng katedral nitong Huwebes para magpagamot at malagyan ng ointment ang mga napasong noo.

Isa rito si Alberto Gabitan, na taon-taong nagpapapahid ng abo sa katedral tuwing Ash Wednesday.

Laking-gulat ni Gabitan nang sa unang pagkakataon ay nasunog ang kaniyang balat.

"Ba't kako mahapdi tapos nang makita ko sa salamin, 'ba't kako ganito?'" kuwento ni Gabitan.

Bago pa man matapos ang misa noong Miyerkoles, naramdaman na ni Leonila Asistio ang hapdi sa noo.

"'Pag-upo namin, nagkatinginan kaming dalawa ng anak ko, nagtanungan kami [kung] bakit mahapdi," ani Asistio.

Iginiit ni Asistio na wala siyang balak na maghain ng reklamo laban sa katedral.

"Hindi naman siguro nila kasalanan iyon," aniya.

Pero hindi naman lahat ng napahiran ng abo ay nagkaroon ng lapnos sa noo.

Kuwento ni Shiela Santos, tatlo sa kaniyang anak ay napahiran din sa kanilang paaralan.

"Hindi naman sila nagkaroon ng sugat or any ano sa noo nila," ani Santos.

Ayon kay Fr. Jerome Cruz, rector ng katedral, walang bago sa paraan ng paghahanda ng kanilang mga tauhan sa abo.

"'Yong palaspas na ginamit noong last year, so sinusunog sila and then after that, 'yong holy water dinadagdag doon," ani Cruz.

Sa isang pahayag, sinabi ni Caloocan Bishop Pablo David na hindi nila isinasantabi ang posibilidad ng pananabotahe.

"We have asked our staff to review our CCTV footages for any possibility of sabotage. Could somebody have maliciously sneaked in to mix acid in the ashes?" sabi ni David.

Nanawagan din si David sa ibang naapektuhan na pumunta sa katedral para malagyan ng gamot ang kanilang lapnos.

Handa rin ang katedral na i-reimburse o bayaran ang anumang nagastos ng mga apektado sa pagpapagamot.

Naipadala na sa isang chemical laboratory ang sample ng abo para masuri at inaasahang lalabas ang resulta sa mga susunod na araw.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.