65 anyos na parlorista, natagpuang patay

ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2018 07:43 PM | Updated as of Aug 27 2019 03:40 PM

Watch more in iWantTFC

Natagpuang patay sa pananaksak ang isang 65 anyos na parlorista sa Quezon City nitong Huwebes ng umaga.

Nahanap ang bangkay ni Timoteo Driz, alyas "Mamita," sa loob ng kaniyang inuupahang bahay sa may Sitio San Roque, Barangay Bagong Pag-asa bandang alas-11 ng umaga.

Ito ay matapos hanapin ang biktima ng isang kliyente sa pinagtatrabahuhang parlor, na nakapuwesto sa tapat lang ng kaniyang bahay.

Nakahandusay, duguan, at hubo't hubad ang bangkay ni Driz nang makita sa loob ng kuwarto, ayon kay Evelyn Masanay, may-ari ng bahay.

"Narinig ng anak kong bata na, 'Mommy may narinig akong kausap' ... alam ko lang naman na kostumer 'yon, 'di ko naman alam na boyfriend niya," kuwento ni Masanay.

"Nabibigla naman ako dahil namatay siya nang ganoon na lang, ewan ko kung 'jowa' niya 'yon," ani alyas "Bona," kaibigan ng biktima.

Ayon sa purok leader, posibleng may kaalitan ang biktima.

Hindi rin inaalis ng pulisya ang posibilidad na nakaaway ng biktima ang kaniyang kasintahan.

"Valentine's Day kahapon ... kung sino'ng pinakahuling nakasama niya sa kuwartong iyon, pagsisikapan natin ma-identify kung sino siya," ani Superintendent Carlito Mantala, hepe ng Quezon City Police District Station 2.

Narekober sa kuwarto ang ilang mga wallet ng biktima na may lamang cash, mga cellphone, at singsing.

Nabatid din na dati nang nahuli ang mga kasamahan ng biktima dahil sa droga.

Inaalam pa kung kabilang din si Driz sa drugs watch list ng barangay.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.