2-anyos na batang natagpuang patay sa Tagum City, inilibing na

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2018 09:06 PM

TAGUM CITY - Naihatid na sa kaniyang huling hantungan Huwebes ang 2-taong gulang na batang babae na natagpuang patay noong Martes.

Napuno ng emosyon ang mga magulang at mga kamag-anak ng batang biktima, lalo pa’t hirap silang tanggapin ang karumal-dumal na pagkamatay nito.

Hindi masukat ang sakit at pangungulila na naramdaman ng ina ng biktima lalo pa’t wala pang muwang sa mundo ang kanilang bunsong anak.

Ang ama ng bata, nanawagan ng hustisya.

“Unta madakpan na sila, mapriso sila para mahatagan hustisya akong anak,” umiiyak na sabi ng ama ng biktima.

(Sana madakip na sila, makulong sila para mabigyan ng hustisya ang aking anak.)

Sinagot ng City Government of Tagum ang lahat ng gastusin sa pagpapalibing sa biktima. Nagbigay din sila ng financial assistance at tirahan ng pamilya sa pamamagitan ng relocation program ng gobyerno.

“Naa jud toy cohort. Gisultian nako ang Tagum police, palaluma inyong imbestigasyon. I'm willing to give reward,” ayon kay Tagum City Mayor Allan Rellon.

(Meron talaga 'yung cohort. Sinabihan ko ang Tagum Police, laliman niyo ang inyong imbestigasyon. I’m willing to give reward.)

Nagdagdag na rin ng puwersa ang Davao del Norte Police Provincial Office para tumutok sa paghahanap sa mga responsable sa pagpatay sa biktima, na nakilala na umano. Ang isa sa kanila ay nasa kamay na ng mga pulis. 

Ayon kay Senior Supt. Alan Manibog, Director ng Davao del Norte Police Provincial Office, mayroong warrant of arrest para sa kasong homicide ang isa sa tatlong mga suspek.

“Gina track na sila. Identified na sila. Kining ilang kauban naa na sa atoa so most likely nagtago tago na ni sila. They are using Vulcaseal, ilang ginasuyop,” ani Manibog.

(Tina-track na sila. Identified na sila. Itong kasama nila nasa atin na, so most likely nagtatago-tago na ito sila. They are using Vulcaseal, sinisinghot nila.)

Inaasahan na ngayong Lunes, lalabas na ang resulta ng autopsy mula sa Regional Crime Laboratory ng Philippine National Police (PNP) para malaman ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.