18 namamalagi sa lansangan, nasagip sa Maynila

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2018 08:52 PM | Updated as of Sep 18 2018 01:24 PM

Labingwalong indibidwal ang nasagip ng mga pulis at mga tauhan ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa ikinasang "reach out" operations sa ibat ibang lugar sa lungsod ng Maynila ngayong umaga.

May ilang mga nagpumiglas pa rin at sinabing may permiso silang manatili sa kalsada habang ang iba naman ay maayos na sumama sa mga awtoridad

Ayon kay Lindsay Javier, team leader ng MDSW, ang mga menor de edad na nahuli ay dadalhin sa Manila Boystown habang ang mga matatanda naman ay dadalhin sa Jose Fabella Center sa Mandaluyong.

Noong nakaraang linggo, 23 na street children ang sinagip sa Sampaloc, Sta. Mesa, at Sta. Ana.

Ayon sa opisyal ng barangay, madalas nagiging sanhi ng gulo sa kanilang lugar ang mga kabataang pakalat-kalat sa lansangan kaya't nagpasaklolo na sila sa lokal na pamahalaan.

Sa ilalim ng batas, ang mga menor de edad na mahuhuli ng mga awtoridad ay hindi maaaring ikulong ng mga pulis. Sila ay kailangan pangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development upang maibalik sa kanilang mga magulang o maipasok sa mga institusyon na maaaring kumupkop sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.