PatrolPH

Bakunahan kontra COVID-19 sa edad 5-11 pinalawig na sa buong bansa

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2022 12:42 PM | Updated as of Feb 14 2022 07:53 PM

Mga batang nagpapabakuna sa SM San Lazaro sa Maynila noong Pebrero 11, 2022. George Calvelo, ABS-CBN News
Mga batang nagpapabakuna sa SM San Lazaro sa Maynila noong Pebrero 11, 2022. George Calvelo, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) — Pinalawig ngayong Lunes sa buong bansa ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga batang may edad 5 hanggang 11.

Sa isang hotel sa Parañaque City inilunsad ang nationwide rollout ng pagbabakuna sa nasabing age group, na dinaluhan nina Health Secretary Francisco Duque III, vaccine czar Carlito Galvez, at Mayor Edwin Olivarez.

Gaya ng pilot rollout sa ilang lugar sa Metro Manila noong nakaraang linggo, nagkalat ang mga lobo sa vaccination site para maaliw ang mga bata habang naghihintay na maturukan.

Mayroon ding mascot na nakipaglaro sa mga bata, na binibigyan ng mga loot bag matapos silang tumanggap ng bakuna.

Muling binigyang diin ni Galvez na ang pagbabakuna ay isa sa mga paraan para maipakita ang pagmamahal sa kapwa, lalo na sa mga bata.

"Dalawang taon na silang nakapirmi sa bahay at hindi lingid sa atin ang epekto nito sa kanilang psychological development at mental health," ani Galvez.

"Kaya napakahalaga na makapiling nila muli ang kanilang mga kaklase, kalaro at mga kaibigan," dagdag niya.

Watch more News on iWantTFC

Ayon kay Galvez, higit 100,000 batang edad 5 hanggang 11 ang nabakunahan sa pilot rollout ng vaccination noong nakaraang linggo, lagpas aniya sa target ng pamahalaan.

"Kumpleto po ang ating doses para sa 5 to 11 years old. Mayroon tayong darating na 6 million ngayong buwan, ito po ay good for until March," ani Galvez.

May 482 vaccination sites naman sa buong bansa para sa pediatric vaccination, kung saan 84 ay nasa National Capital Region, sabi naman ng Department of Health (DOH).

Dahil reformulated o iba ang timpla ng mga bakuna para sa mga edad 5 hanggang 11, rekomendasyon ng mga eksperto sa mga vaccination site na paghiwalayin ang bakunahan para sa mga bata at matatanda.

Sa Cebu, nasa 200,000 ang mga batang rehistrado para mabakunahan.

Higit 26,000 doses ang inilaan para sa probinsiya pero nilinaw ng Visayas vaccination operations center head na may parating pang supply.

Sa Laguna, may ilang magulang na sinabay na ang pagpapa-booster sa schedule ng pagbabakuna ng mga anak.

Samantala, nakatakda nang pag-usapan ng DOH, National Task Force Against COVID-19 at Inter-Agency Task Force kung sisimulan na bang i-require ang booster shot cards sa pagpasok sa mga establisimyento.

— May ulat nina Wena Cos at Dennis Datu, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.