PatrolPH

Metro Manila mayors tutol sa muling pagbubukas ng mga sinehan

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2021 06:58 PM | Updated as of Feb 14 2021 07:13 PM

Metro Manila mayors tutol sa muling pagbubukas ng mga sinehan 1
Mark Demayo, ABS-CBN News/File

MAYNILA — Tutol ang mga alkalde sa Metro Manila sa muling pagbubukas ng mga sinehan sa kanilang mga nasasakupan, sabi ngayong Linggo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, susulat ang mga alkalde sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) para hilinging huwag munang payagan ang pagbubukas ng mga cinema.

"Napagkasunduan po ng majority na talagang 'wag muna, as far as cinema is concerned. Kasi po unang-una, it’s enclosed. Pangalawa, wala namang sineng 30 minutes. Matagal po yan at air-conditioned," sabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos.

Ayon kay Abalos, bagaman pabor ang mga lider ng mga lungsod sa pagbubukas ng ekonomiya, masyadong delikado ang sinehan.

Watch more on iWantTFC

Ayon naman kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, kahit ang ilang mall owners sa kanilang lungsod ay pinag-iisipan at tinitimbang pa rin ang benepisyong idudulot ng pagbubukas ng kanilang sinehan.

"Para sa kanila, even if it's allowed, marami sa kanila ang hindi magbubukas because they don’t see that it’s really going to be, play a big part in terms of economic impact," ani Belmonte.

Ayon pa kay Belmonte, sinabi ng Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance na hindi pa tiyak ang ventilation system sa mga sinehan.

Imposible ring ma-monitor kung hindi tatanggaling ng mga manonood ang kanilang mga mask at face shield habang nasa sinehan.

Mananatili naman daw bukas si Belmonte para sa apela ng mall owners na nais magbukas ng kanilang sinehan.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanan ng pahayag ang ilang mall operators sa Metro Manila pero hindi pa sila sumasagot.

Nitong nagdaang linggo, inanunsiyo ng IATF na isa ang sinehan sa mga establisiymentong puwede na ulit magbukas sa general community quarantine areas.

-- Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.