PatrolPH

Furniture shop sa Isabela nasunog dahil sa upos ng sigarilyo

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2021 12:42 PM | Updated as of Feb 14 2021 03:46 PM

Furniture shop sa Isabela nasunog dahil sa upos ng sigarilyo 1
Nasunog ang isang furniture shop sa San Mariano, Isabela nitong Pebrero 13, 2021. Retrato mula sa Bureau of Fire Protection-San Mariano

Nasunog ang isang furniture shop sa bayan ng San Mariano, Isabela gabi ng Sabado dahil sa itinapong upos ng sigarilyo, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Ayon kay Fire Officer 1 Shereelyn Liwag, information officer ng BFP-San Mariano, alas-10:58 ng gabi nang makatanggap sila ng tawag na may sunog sa furniture shop na pag-aari ni Junato Bernardino sa Barangay Zone 3.

“Rumisponde naman po kami agad… Nang makita po namin, medyo malaki na po ‘yong sunog kasi ang involved po is furniture shop, so puro kahoy,” ani Liwag.

Nagtawag din ng mga bombero mula sa mga karatig-bayan para tumulong sa pag-apula ng sunog at maiwasang madamay ang mga katabing establisimyento, kabilang ang isang gasolinahan.

Nagdeklara ng fire out ang mga awtoridad bandang ala-1 ng madaling araw ng Linggo.

Sa imbestigasyon, natuklasang itinapong upos ng sigarilyo ang sanhi ng sunog, bagaman inaalam pa kung sino ang responsable nito.

“Napunta siya (cigarette butt) sa mga pile ng kahoy,” ani Liwag.

Wala namang nasaktan sa insidente pero umabot sa higit P300,000 ang tinatayang halaga ng pinsala.

– Ulat ni Harris Julio

FROM THE ARCHIVES:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.