VIRAL: Tindang mga lobo ng lalaki sinilaban ng mga kabataan sa Pandacan

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2020 03:47 PM | Updated as of Feb 14 2020 07:56 PM

Bayan Patroller Alessandra Trinidad

MAYNILA — Viral ngayon sa social media ang CCTV footage kung saan kita ang ginawang pagsunog ng ilang kabataan sa mga tindang lobo ng balloon vendor sa Maynila noong Miyerkoles. 

Ayon sa footage na ibinahagi ni Bayan Patroller Alessandra Trinidad, nangyari ang insidente sa Zamora Street, Barangay 842, Pandacan, Manila.

Makikitang nagtipon ang grupo ng mga kabataan sa gilid ng barangay hall. Nag-uusap sila at maya-maya lamang ay sinindihan na ang mga lobo sa tabi. 

Nagsitakbuhan ang mga bata at iniwang nagliliyab ang mga lobo.

Sa ilalim nito ay ang nagpapahinga pala na vendor na napatalon na lamang habang inaapula ang apoy. 

"Naawa po kami sa kaniya kasi madalas po namin nakikita si kuya sa Pandacan po eh," ani Trinidad. 

Ayon sa chairman ng Barangay 842 na si Celso Esteban, nagtamo ng second degree burn sa braso at binti ang vendor, na residente ng Libis, Mandaluyong. 

Ang mga batang suspek naman ay mula sa kabilang barangay umano. 

Ayon kay Esteban, kahit nasugatan ang vendor ay hindi na daw nito piniling ireklamo ang mga bata dahil naaawa siya sa mga magulang nito. 

Nagkaaregluhan na lang sila at napag-usapan na magbibigay daw ang bawat pamilya ng P2,500 para pagpapagamot ng biktima. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.