Travel ban ng Pilipinas sa Taiwan binawi na

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2020 09:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Binawi na ng gobyerno ng Pilipinas nitong Biyernes ang ipinatupad na travel ban sa Taiwan dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Dahil dito, papayagan na ulit ang pagbiyahe papunta at pabalik ng Taiwan.

"[T]ravel may now be made by any national to Taiwan from the Philippines and vice versa," ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Maaalalang ipinatupad ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF) ang ban upang maiwasan ang pagkalat ng novel coronavirus, na nagmula Wuhan, China.

Pero pumalag dito ang Taiwan at sinabing hindi patas ang ban dahil may ilang bansa pa na mas marami ang kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Isa sa mga banta ng Taiwan ay pag-alis ng visa-free travel para sa mga Pinoy bilang sanction.

Nagpasalamat naman ang Manila Economic and Cultural Office sa positibong aksiyon ng IATF.
    
Malaking ginhawa umano ito sa agam-agam ng mahigit 160,000 overseas Filipino worker doon.

Susunod namang pag-aaralan ng pamahalaan ng Pilipinas ang posibleng pagbawi sa iba pang sakop ng travel ban.

Sa ngayon, Mainland China, Hong Kong, at Macau na lang ang sakop ng travel ban ng Pilipinas dahil sa COVID-2019

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.