Pulis timbog matapos umanong magwala sa bar sa Cagayan de Oro

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2020 10:19 PM

Tiklo si Police Cpt. Calvin Placer Jr. matapos ireklamong nang-harass ng babae at nanutok ng baril sa mga empleyado ng isang bar sa Cagayan de Oro. Rod Bolivar, ABS-CBN News

CAGAYAN DE ORO - Tiklo ang isang pulis matapos ireklamong nang-harass ng babae at nanutok ng baril sa mga empleyado ng isang bar sa lungsod Huwebes ng gabi.

Nakilala ang pulis na si Police Cpt. Calvin Placer Jr., na dating nadestino sa Caraga at kasalukuyang nag-aaral ng officers advance course sa regional training center ng Philippine National Police (PNP) sa lungsod.

Ayon sa reklamong inihain laban sa suspek, pilit hinahawakan ng pulis ang babaeng customer ng bar kung saan ito nakikipag-inuman. Nang awatin ng mga empleyado, sinuntok sila ni Placer at tinutukan din ng baril.

"Na-trauma ang mga empleyado dahil sa panunutok ng baril. Nakainom [si Placer], aggravating ang kanyang ginawa," ani Police Maj. Jelesis Teves, commander ng PS-4 ng Cagayan de Oro.

Nagsumbong rin sa pulisya ang isang Jimboy Madrid dahil nabundol ang kanyang bisekleta ng SUV ni Placer sa kanyang pagtakas mula sa bar.

Hindi umano hinintuan ng pulis si Madrid.

"Hindi ko siya napansin sa aking likuran. Nang binundol niya ako, natapon ako mula sa aking bisekleta kaya nasugatan ako sa noo," ani Madrid.

Sa loob ng training center nahuli si Placer.

Maliban sa inihain na mga reklamo laban kay Placer, nilabag din niya ang administratibong batas ng PNP na nagbabawal sa mga pulis na uminom ng alak sa pampublikong lugar.

"Hindi namin ito kukunsintihin. Klaro ang utos ni Chief PNP na ipatupad ang No-Take Policy. Dapat malinis ang hanay ng pulisya," ani Teves.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang hinuling pulis. 

Maliban sa kasong grave threat at act of lasciviousness, haharap rin siya sa kasong administratibo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.