Kuneho bilang karneng pagkain? Ilang animal rights group nagkomento

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2020 05:31 PM

MAYNILA — Kamakailan ay sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na maaaring substitute ang karne ng kuneho sa mga karaniwang hayop tulad ng manok o baboy. 

Ito'y sa gitna ng pagkalat sa bansa ng African swine fever (ASF).

Ang karne kasi ng kuneho, mataas daw sa protina at mas madali rin daw paramihin kumpara sa ibang hayop na kinakain. 

"Kasi ang growth cycle nun ay lesser than other potential substitute. It will be cheaper. Very high in protein din. Parang manok din," sabi ni Dar. 

"Kung meron kang 2 inahin, in a matter of one year you’ll be producing 200 heads of bunnies. In 3 to 4 months' time these are slaughtered for meat production," sabi naman ni Eduardo Torne ng Bureau of Animal Industry. 

Hindi gaya ng baboy, wala pang naitalang sakit na dumapo sa mga kuneho dito sa Pilipinas na puwedeng ikahawa ng mga tao.

"High in protein ang rabbit, low cholesterol, low fat and also low calorie... Ang rabbit more on plants ang kinakain nila, vegetable so isa na rin siyang nagpadagdag sa healthier content ng rabbit," sabi ni Nicey Piedad, isang registered nutritionist. 

Natutuwa ang Association of Rabbit Meat Producers sa mungkahi ni Dar pero kailangan nila ng suporta ng gobyerno para mapalaki pa ang kanilang industriya.

"We should import the same breed and itaas 'yung quality nitong nasa 6 na rabbits... We need to upgrade really 'yung available stocks. We could import additional stocks para dumami yung production," sabi ni Art Veneracion, presidente ng asosasyon. 

Sa ngayon kakaunti pa lang ang nagbebenta ng kuneho kaya nasa P450 kada kilo ito. Pero kapag mas dumami na ang producers, bababa raw ang presyo.

Ayon naman sa grupong World Animal Protection, hindi lang dapat karne ng hayop kundi dapat ang mga gulay din ang pagkuhanan ng protina.

"The move from DA to look at alternative sources of protein is a welcome move, but it should not be limited to looking at other meat sources, but include plant-based protein sources."

Sabi naman ng World Animal Health, hindi rin daw dapat maging alternatibo ang rabbit meat dahil masama rin ang dinaranas ng mga kuneho gaya ng mga kinakatay na baboy at manok.

"Rabbit meat shouldn’t be a replacement as they are raised in cages, and it’s no better, arguably worse, than farmed pigs and chickens," sabi ng grupo. 

—Ulat ni Apriil Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.