Ilang bakwit sa Batangas, nagkakasakit dahil sa malamig na panahon

April Rose Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2020 12:04 AM

Ilang bakwit sa Poblacion Evacuation Center sa San Luis, Batangas ang inuubo at sinisipon dulot ng malamig na panahon na kasalakuyang nararanasan ng bansa.

Mas malamig na panahon ngayon ang nararanasan sa Batangas kaya't nagkakasakit na ang maraming lumikas sa isang evacuation center sa bayan ng San Luis sa naturang probinsya.

Isang buwan na sa Poblacion Evacuation Center ang mahigit 80 pamilya, na karamiha’y mula sa bayan ng Agoncillo, matapos pumutok ang Bulkang Taal nitong Enero.

“Nagkakasipon po paminsan-minsan, pero hindi naman po pang matagalan. Humihingi po kami rito ng gamot," ani Gloria Salazar, isa sa mga bakwit.

“Lagi na lang po kaming nag-aalcohol, umiinom ng gamot. Basta po 'yung panliligo po ng maayos, araw-araw.” dagdag ni Lanie de Villa, isa ding bakwit.

Sa tala ng isang municipal health officer ng bayan, mula noong Pebrero 7, nasa 86 ang bilang ng evacuees na may acute respiratory infection, o ubo at sipon.

Sapat pa umano ang gamot para sa mga bakwit, at tuloy-tuloy din ang ayuda para sa kanila.

“Yung pangangailangan nila regarding sa health din, nandiyan din kami,” ani Robert Moredo, camp manager ng Poblacion Evacuation Center.

Kasalakuyang nakakaranas ng malamig na panahon ang Pilipinas dulot sa amihan, o northeast monsoon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.