Ginang, napaanak sa loob ng tricycle sa Araw ng mga Puso

Joanna D. Tacason, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2020 12:57 PM

Ligtas ang 19-anyos na ginang at ang kaniyang sanggol na naipanganak niya sa loob ng isang tricycle sa bayan ng Natividad sa Pangasinan.

NATIVIDAD, Pangasinan – Hindi na umabot pa sa ospital ang 19-anyos na ginang matapos siyang mapaanak sa loob ng tricycle, Biyernes ng umaga.

Agad na tinulungan si Elgie Lumiran ng 2 pulis na sina Master Sergeant Ching Salguet at Corporal Joanna Badua na isa ring nurse.

Ayon sa Natividad Police, humingi na ng tulong sa pulis ang asawa ni Lumiran dahil sumasakit na ang tiyan nito at tila manganganak na kaya agad silang rumesponde.

Malusog naman ang sanggol na lalaki na ipinanganak ni Lumiran pero dinala pa rin ang mag-ina sa ospital para matiyak na maayos ang kanilang kundisyon.

Pinag-iisipan pa ng mga magulang kung ano ang ipapangalan sa sanggol na ipinanganak sa mismong Araw ng mga Puso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.