Driver ng jeep na umararo, nakapatay sa estudyante sa Makati kinasuhan na

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2020 07:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sinampahan na ng kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries at homicide nitong Biyernes ang jeepney driver na nakasagasa sa mga tumatawid na mga estudyante sa Makati City.

Maaalalang noong Miyerkoles ay inararo ng pampasaherong jeep ang mga estudyanteng tumatawid lang sa pedestrian lane.
    
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang ilang estudyante. Dinala sa ospital ang walo pero binawian ng buhay ang grade 8 student na si Jules Villapando.

Sa ginawang drug test, nagpositibo ang driver ng jeep na si Crisdale Tamparong, na itinanggi niya noong una pero kalaunan ay inamin din.

Ayon sa suspek, gumamit siya ng droga pero hindi noong araw ng aksidente.

"Isang linggo po gumagamit ako, isang beses lang po talaga. Pero nung sumunod na araw nung nangyari iyon hindi," aniya.

Humingi din siya ng tawad sa pamilya ng kaniyang nasaktan.

"Sa lahat ng nabiktima ko ako ay humihingi rin ng tawad sa kanila. Bilang isang magulang ako rin ay nasasaktan, di ko sinasadya," sabi ng suspek.

Pero hindi ito matanggap ng pamilya at mga kaibigan ni Jules, ang batang nasawi sa aksidente.

"Galit [ako] dahil nawala 'yung anak namin dahil sa kaniya. Sana nagmamneho siya nang maayos," ani Rene Villapando, ama ni Jules.

Nitong Biyernes ay dumating ang ilang mga kaeskuwela ni Jules sa kaniyang lamay at hindi nila maiwasan ang mapaluha dahil sa nangyari.

Anila, malungkot ang buong paaralan dahil sa sinapit ni Jules.

Nakauwi na ang 6 na iba pang nasugatan sa insidente, puwera lang ang isa na nasa ICU pa.


—Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.