Bunny lumpia? Rabbit meat, tampok sa food stall sa Mandaue

Leleth rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2020 09:49 AM

Bunny lumpia, pritong lechon rabbit at caldereta ang ilan sa mga putaheng mula sa rabbit meat na makakain sa food stall sa Mandaue City.

MANDAUE CITY - Isang food stall sa lungsod ang dinarayo dahil sa kakaibang karneng gamit sa kanilang mga putahe.

Tampok sa naturang stall ang mga pagkaing mula sa karne ng kuneho kung saan ang bestseller ay ang pritong lechon na rabbit.

Taong 2019 nang buksan ito sa lungsod. Ayon sa manager na si Ana Caressa, nahirapan sila noon lalo’t hindi pa masyadong pamilyar ang mga taga Cebu sa putahe mula sa rabbit meat.

Pero kalaunan ay nagkaroon din sila ng mga regular customer na binabalik-balikan ang kanilang mga tinda. Bukod sa rabbit lechon, handog din nila ang bunny lumpia, caldereta at pritong rabbit lechon.

Kadalasang suki nila ay mga senior citizen at kabataan.

"Mostly mga senior because wala siyang cholesterol. Healthier siya compared to pork and chicken," sabi ni Caressa.

Ayon sa Department of Agriculture, posibleng ang rabbit meat ang magiging alternatibong karne na mabebenta sa palengke habang nagpapatuloy ang banta ng African Swine Fever.

Sa Cebu, bawal na ang magpasok ng mga baboy at iba pang pork products mula Luzon at Mindanao.

Ikinatuwa naman ito ng may-ari ng food stall na si Architect Daryl Garcia na mayroon ring rabbit farm.

Ayon sa kaniya, mas mainam umano ito sa katawan ng tao dahil madalas na kinakain ng mga kuneho ay pawang damo, tubig at minsan ay apple cider.

Samantala ang dumi naman ng rabbit ay magagmit bilang pataba sa mga tanim ng magsasaka. Layon din niyang mapalawak pa sa probinsya ang organic farming.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.