Bulkang Taal ibinaba na sa Alert Level 2 pero ilang residente may pangamba

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2020 07:43 PM

Ibinaba na sa Alert Level 2 ang Bulkang Taal ngayong Biyernes, ayon sa state seismology bureau Phivolcs - hudyat na nabawasan ang posibilidad ng mapanganib na pagsabog ng bulkan.

Ayon sa bulletin ng Phivolcs, nabawasan ang posibilidad ng pagsabog ng bulkan.

Kumonti na raw kasi ang mga pagyanig, ground deformation, at gas emission mula sa main crater.

Inalis na rin ang lockdown sa ilang lugar, bagay na ikinatuwa ng ilang residente.

“Sa wakas masaya na ho, masaya na ang aming kalooban at wala na kaming kinakatakutan na puputok ulit," ayon sa fish vendor na si Theresa Manalo.

Pero ngayon, pinoproblema nila ang kaniyang kabuhayan kaya sumama muna siya sa "cash for work" program ng Department of Labor and Employment.

Problemado rin ang residenteng si Christina Pesigan lalo na't pangunahing hanapbuhay sa lugar ang pagtitinda ng isda.

"Doon lang ho nakuha ng ikinabubuhay sa isda katulad ng aking mga anak naglalako; ano ho ilalako ngayon wala naman ho isda," ani Pesigan.

Nagmistulang ghost town din ang ilang lugar dahil wasak ang mga bahay na nabalot ng mga makapal na abo na idinulot ng ash fall.

Ito ay kahit na inalis ang lockdown sa anim na barangay sa Agoncillo at Laurel.

Dahil dito, pinili ng ilan na manatili muna sa evacuation centers.

Samantala, labis ang kasiyahan ni Evelyn Obo at ang kasintahang si Kourush Raziani nang malamang ibinaba ang alert level sa bulkan.

"This one great news for us because before we are so worried that it might erupt during the day of the wedding," ani Obo.

Sa kabila nito, nagpaalala ang Phivolcs na hindi ito nangangahulugang nawala na ang banta ng muling pag-a-alboroto ng bulkan.

Bawal pa rin anila sa volcano island, na itinuturing na permanent danger zone.

Posible pa rin ang mga phreatic explosion o pagbuga ng usok at abo ng Taal, volcanic earthquakes, ashfall at iba pang volcanic activities.

Kaya ipinaalala ng ahensiya sa mga naninirahan sa mga high risk area na maghanda pa rin ang mga residente na lumikas sakaling tumaas muli ang alert level ng bulkan.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.