ALAMIN: Pananagutan ng driver ng jeep na umararo sa mga estudyante sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2020 02:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Viral ngayon sa social media ang video kung saan kita ang pag-araro ng isang jeep sa mga estudyante sa Makati, na nagresulta sa pagkamatay ng 1 at pagkasugat ng 7 tao.

Natuklasan kalaunan na walang lisensiya ang tsuper ng jeep dahil kinumpiska ito noong Setyembre 2019 dahil sa paglabag. Bukod pa dito, positibo rin sa paggamit ng droga ang naturang suspek.

Ayon sa abogadong si Claire Castro, kasong reckless imprudence resulting in homicide ang maaaring isampa sa tsuper dahil nakapatay siya.

"Hindi ka maingat, wala kang ingat... 'Yung naging aksidente [is because] naging masyado kang pabaya," ani Castro sa programang "Usapang de Campanilla."

Maaari pa itong patungan ng reckless imprudence resulting in serious physical injuries dahil marami rin ang nasugatan sa aksidente.

Nauna nang sinabi ng suspek na nawalan siya ng preno kaya niya naararo ang mga estudyante, pero para kay Castro, hindi ito matibay na alibi.

"Kung siguro first time na offender na wala siyang records at makikita talaga na mechanical failure, medyo mapapatawad pa. Pero kasi ito, may records na reckless ka, wala kang lisensiya lumabas ka [tapos] wala kang brake. Parang hindi ko mapapatawad iyon," ayon kay Castro.

Maaaring umabot nang 6 taong pagkakakulong ang parusa sa sino mang mahahatulan ng reckless imprudence resulting in homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.