MAYNILA - Iba't iba ang maaaring mangyari sakaling aprubahan o ipawalangbisa ang kasalukuyang prangkisa ng ABS-CBN, batay sa quo warranto na inihain laban sa network, ayon sa ilang abogado.
Ayon kay Egon Cayosa, pangulo ng Integrated Bar of the Philippines, hindi pa lubusang tinatanggap ng korte ang kaso gayong "without due course" ang pagpapakomento ng korte sa panig ng ABS-CBN.
"Pinagkokomento ang ABS-CBN pero hindi pa sigurado na didinggin ito. Puwedeng i-raise ng ABS-CBN ang mga jurisprudence at principles na nagsasabi, na bago ka dumulog sa Supreme Court, mag-exhaustion of administrative remedies ka muna," ani Cayosa.
Naghain kamakailan ng quo warranto petition si Solicitor General Jose Calida kontra sa network at sa subsidiary nitong ABS-CBN Convergence kaugnay ng mga paglabag sa prangkisa.
Noon nang iginiit ng ABS-CBN na wala silang inilabag na batas.
Ayon pa kay Cayosa, hindi tinatanggap ng Korte Suprema ang kaso kapag kailangan munang dinggin kung may katotohanan ba ang mga alegasyon sa trial court, maliban na lang kung may mga isyung may "transcendental importance" o isyung napakahalagaq sa lahat.
Para naman sa grupong Center Law, malinaw na may factual issues na kailangang dinggin kaya dapat ibasura na ng korte ang petisyon.
"Based on the statement released by the OSG, its allegations in support of the petition and the issues arising therefrom are factual in nature. On this alone, the Petition should be dismissed outright," anila.
Tingin naman ng dating tagapagsalita ng Korteng Suprema na si Theodore Te, dapat sa trial court idinaan ang petisyon dahil wala siyang nakikitang issues of transcendental importance.
"Honestly, I don't because if there are violations as he claims, there are venues for the violations committed: you have the SEC, the courts, you have Congress," ani Te.
Pero aniya, kung ibabato naman sa trial court ang petisyon, magtatagal ito at hindi kaagad maipapatupad ang ano mang desisyon nito dahil puwede pa itong iapela.
Hindi kagaya kapag diniretso sa Korte Suprema na kaagad maaaring ipatupad ang desisyon.
May pagkakahalintulad din ayon kay Te ang petisyong inihain sa ABS_CBN at sa petisyong nagpatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Kaya ayon kay Te, dapat bantayan kung magdedesisyon ang Korte Suprema na idaos na agad ang oral arguments sa petisyon.
"Napakabigat ng mga alegasyon na ito. Hindi ito maaaring maresolba sa isang oral argument lang," aniya.
Babala pa ni Te, kung magtatagumpay ang kaso, ito ang unang pagkakataong pinapawalangbisa ang prangkisa ng isang media company.
Malaki rin aniyang dagok ito sa press freedom sa bansa.
"I can't even imagine how they will write the decision should it come to that. 'Di ko maisip kung papaano nila i-justify," ani Te.
Muling ipinaalala ni House Speaker Alan Peter Cayetano na hindi naman magsasara ang kompanya sakaling mapaso ang prangkisa nito.
Iginiit din niyang importante ang kabuhayan ng mga empleyadong maaapektuhan ng pagpaso sa prangkisa -- na nakatakda sa Marso sakaling hindi pa ito aprubahan sa Kamara -- dahil nagkakabisa lamang ito matapos ma-publish sa Official Gazette.
Handa ring makipag-ugnayan ang Kamara sa National Telecommunications Commission para hindi maantala ang pagbo-broadcast ng network.
Paliwanag din ni Cayetano, mas mainam na ring idinig ang prangkisa kapag malamig na ang ulo ng lahat.
Hindi rin dapat aniya daoat maapektuhan ang pagbabalita ng network habang nakabinbin ang franchise renewal nito sa mababang kapulungan.
Tiniyak din ni Cayetano na magiging patas sila sa pagdinig at hindi sila nababraso ni Duterte.
Pero aminado siyang may gma isyu siya laban sa ABS-CBN na hindi dapat isawalang-bahala.
"Walang doubt na institusyon ang ABS-CBN. Walang doubt na
napakalaking naitulong sa ating bansa. Pero wala ring doubt na
may mga issues," ani Cayettano.
Pero hindi na niya ito idinetalye dahil mas mainam na sa iba ito manggaling.
Nais ding pakinggan ni Cayetano ang sitwasyon ng mga manggagawa sa network.
Nanawagan din sila mga kritiko ng ABS-CBN na maghain ng oposisyon sa Kamara para mabigyan ng pagkakataon ang ABS-CBN na sagutin ito. Ang importante aniya ay matimbang nang mabuti ang lahat ng panig.
"The franchise of ABS-CBN is not a race of time, hindi po ito pabilisan.
This is a race towards justice and democracy," ani Cayetano.
-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, abogado, lawyer, ABS-CBN, ABS-CBN franchise, franchise, ABS-CBN quo warranto