3 miyembro ng NPA, patay sa engkuwentro sa Ilocos Sur

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2020 10:10 PM | Updated as of Feb 14 2020 10:23 PM

Kuha ng Sta. Lucia PNP

STA LUCIA, Ilocos Sur - Patay ang tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos makaengkuwentro nila ang militar sa Barangay Namatican sa bayan na ito Huwebes.

Kinilala ang tatlo na sina Ka Goyo at Ka Aunor na mag-asawa, at Ka Ricky. 

Ayon sa hepe ng Sta. Lucia Police Station na si Police Cpt. Leonilo Ancheta, alas-10 ng gabi nakatanggap ng report ang 81st Infantry Battalion ng Philippine Army at Military Intelligence Company na may NPA sa isang bahay sa Namatican.

“Doon na po nila pinaputukan ang tropa ng gobyerno at nagkaroon ng exchange of fire at nabaril ‘yung tatlo,” ani Ancheta.

Tumagal nang 10 minuto ang engkwentro bago napatay ang mga miyembro ng NPA.

Kalihim umano si Ka Goyo habang si Ka Aunor ay deputy secretary ng NPA sa lugar. Si Ka Ricky naman ang political guide ng grupo sa lugar.

Nakatakas naman ang dalawang kasama nila.

Hindi kakilala umano ng may-ari at bantay ng bahay ang tatlo. Hiniling daw lang nila na dito maghintay sa kanilang kasama.

“Natakot siya lalo na at kasama niya ang dalawang apo niya kaya hindi sya nag-report hanggang dumating na ang kasama ng tatlo hanggang sa rumesponde ang tropa,” dagdag ng hepe.

Narekober sa pagmamay-ari ng tatlo ang dalawang caliber .45 na baril at walong kapsula nito at isang hand grenade.

Ayon sa civil military operations officer ng 702nd Brigade na si Capt. Rogelio Dumrigue Jr., halos 40 ang kasapi ng grupo ng mga nasawi sa lugar.

“Top leaders ang mga ito sa kanilang grupo,” ani Dumrigue.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.