200 bagong pisang pawikan, pinakawalan sa Zamboanga del Norte

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2020 12:10 AM

Watch more in iWantTFC
Video courtesy of Marlou Atillo

Pinakawalan sa dagat ang halos 200 bagong pisang mga pawikan sa Roxas, Zamboanga del Norte.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang baybayin mula Dipolog City hanggang Sindangan, Zamboanga del Norte ang nagsisilbing breeding area ng mga pawikan at isa lang ang Barangay Dohinob na may maraming makikitang itlog ng pawikan.

Kadalasan sa mga nangingitlog dito na pawikan ay ang Olive Ridley, na pangkaraniwan sa lahat, pati na rin ang Green Sea Turtle at Hawks Bill Turtle.

Parehong endangered species ang Olive Ridley at green sea turtle habang critically endangered species naman ang Hawksbill Turtle.

Bawat pangingitlog ng isang inahing pawikan ay nasa halos 100 itlog pero nasa isang porsyento (1%) lang ang survival rate nito.

“Marami kasing predators at ‘yong itlog madaling mabasag kasi malambot lang ang shell nito. At ‘yong ibang itlog dahil dito nga sila sa baybayin nangingitlog bumabalik sa dagat lalo kung aabutin ng maalon na panahon,” ani Jay Mark Balbosa, empleyado ng Municipal Environment and Natural Resources ng Roxas.

Malaki ang naitutulong ng mga pawikan para maging balanse ang biodiversity ng karagatan. Kaya’t muling nagpaalala ang DENR sa publiko na ingatan at huwag saktan ang mga pawikan.

Nasa buwan ng Nobyembre hanggang sa buwan ng Abril nangingitlog ang mga pawikan.-Ulat ni Dynah Diestro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.