Tinago sa sapatos: Barangay treasurer, huli sa tangkang pagpuslit ng pasahod

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2019 10:31 AM

Ito na umano ang ikalawang pagkakataon na nawalan ng perang naiwithdraw sa bangko para sa pampasahod ng mga tauhan ng barangay ang suspek. Larawan mula sa Taal Police

PERA ITINAGO SA INSOLE NG SAPATOS

TAAL, Batangas - Arestado ang isang barangay treasurer sa nasabing bayan matapos tangkaing ipuslit ang pasweldo sa mga tauhan ng barangay, Martes ng hapon. 

Hapon nang personal na magtungo sa himpilan ng Taal Police si Sharron Jaravata, treasurer ng Barangay Mahabang Ludlod sa Taal, para ireport ang umano’y paglaslas sa kaniyang bag na naglalaman ng dala niyang pera.

"After umano niyang makapag-encash ng tseke sa bangko sa Lemery, habang siya ay pauwi rito sa Taal ay nalaslas umano ang kaniyang bag at nakuha ang nagkakahalagang P43,000 na laman ng kaniyang bag," ayon kay Chief Inspector Ernesto Chavez.

Rumesponde ang mga pulis at inimbestigahan ang pangyayari.

Binalikan nila ang mga pinuntahan ng opisyal ng barangay hanggang sa isang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon na may naiwang gamit ang nagreklamo sa isang tindahan.

"Taliwas naman po sa kaniyang statement na siya ay bumili ng tsinelas pero ang kaniyang pinagpalitan na sapatos ay ipinadala niya sa kanilang bahay sa kakilala niya sa palengke," sabi ni Chavez.

Doon na umano nagduda ang mga pulis sa impormasyong ibinigay ng suspek. Nang puntahan ang tindahan, nakita nila ang sapatos at tumambad ang libo-libong piso na nakalagay sa ilalim ng insole nito. 

Wala na umanong nagawa pa ang suspek kung ‘di aminin ang kaniyang nagawa.

Lumabas din sa imbestigasyon ng mga pulis na hindi ito ang unang beses na nangyari ang insidente.

"Nag-withdraw po siya noong February 8 ng halagang P57,000 pero hindi nakarating na pampasweldo sa opisyales ng barangay," ani Chavez.

Kung hindi nabisto, aabot sana sa P100,000 ang matatangay na pera ng suspek mula sa budget ng barangay.

Hindi naman umano akalain ng punong barangay na magagawa iyon ng suspek. Aral na umano ito para sa kanilang pamunuan.

"S'yempre po nagalit dahil sa aking panunungkulan ay ngayon lamang nangyari ito. Lalo kung nagwi-withdraw ng pera kung maaari samahan ng isang konsehal o kapitan para hindi mangyari ang katulad ng ganito," sabi ni Kapitan Renato Lavilla ng Barangay Mahabang Ludlod.

Haharap sa kasong malversation of public funds ang suspek na ngayon ay nasa kustodiya na ng mga pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.