PatrolPH

Tandang Sora flyover permanenteng isasara mula Pebrero 23

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2019 04:07 PM


Permanente nang isasara ang Tandang Sora flyover sa Commonwealth Avenue sa Quezon City para magbigay-daan sa pagtatayo ng MRT-7, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). 

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia sa isang press conference, titibagin ang flyover para magbigay-daan sa pagtatayo ng linya ng tren. 

Magsisimula ang pagsara alas-11 ng gabi sa Pebrero 23. 

Bukod sa flyover ay isasara rin ang intersection ng Tandang Sora at Commonwealth Avenue habang ginagawa ang MRT-7.

Dahil sa pagkukumpuni ay maglalagay ng temporary U-turn slot sa tapat ng Microtel at ng Home Depot sa Commonwealth Avenue.

Sa kabila nito, 10 lanes ang kailangang suungin ng motoristang galing Tandang Sora para maka-u turn at nasa 100,000 sasakyan ang sasagupain nila sa Commonwealth para makatawid sa U-turn slot.

Dahil dito, irerekomenda daw ng MMDA na magtayo ng permanenteng elevated u-turn slot na kayang itayo sa loob ng 3 buwan. 

Pero ayon sa contractor ng MRT-7 na EEI corporation, pag-uusapan pa ito dahil sila ang sasagot sa gastos. 

Nasa 3,000 sasakyan kada araw ang dumaraan sa Tandang Sora flyover. 

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.