PatrolPH

'Pagbusisi sa social media ads sa halalan asahan nang kokontrahin'

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2019 07:20 PM | Updated as of Feb 15 2019 12:47 AM

Watch more News on iWantTFC

Bubusisiin na ng Commission on Elections (Comelec) ang campaign ads sa social media ng mga kandidato para alamin kung sosobra sila sa limit ng paggasta para sa kabuuan ng kampanya. 

Kabilang dito ang mga social media sites tulad ng Facebook at Twitter, na madalas nang ginagamit ng mga kandidato lalo't dito nagbababad ang maraming Pinoy. 

Sa ilalim ng batas, hanggang P3 lang ang puwedeng gastahin ng kandidatong may partido sa bawat botante, habang hanggang P5 naman kada botante para sa mga tumatakbong independent.

Sampung tao mula sa Comelec ang naatasang mag-monitor ng gastusin sa social media ng mga kandidato.

Pinamumunuan ito ni Comelec spokesman Director James Jimenez, na aminadong hindi madali ang naturang trabaho.

Nilinaw niya na imo-monitor lang ang halaga ng gagastahin para sa pagbuo ng campaign ad at pagpo-promote nito sa social media at hindi ang mismong laman ng promosyon.

POSIBLENG PROBLEMA

Para sa kilalang election lawyer na si Atty. George Garcia, maganda ang ginagawa ng Comelec pero asahan na aniya na may magku-kuwestiyon nito sa Korte Suprema.

Isang posibleng tanong ay kung may poder ba ang Comelec para busisiin ang gastusin sa social media, na isang makabagong teknolohiya at hindi tahasang nabanggit sa mga batas pang-eleksiyon gaya ng Fair Elections Act.

"The question is, can the Comelec punish something which the law does not mention? Iyun po highly questionable, but at the same time, that is enough for anybody to at least respect the Comelec, and not to attempt to violate the provisions," paliwanag ni Garcia. 

Nanindigan naman ang Comelec na sakop ng kanilang hurisdiksiyon ang pagbabantay sa social media.

"Kung hindi natin ire-regulate ang social media, ibig ba sabihin, ilusyon na lang 'yung spending limit na mina-mandate ng batas kasi nga nakahanap tayo ng lugar na pagtataguan ng pera," sabi ni Jimenez. 

Base sa pinakahuling resolusyon ng Comelec, dapat irehistro ng mga partido at kandidato ang mga website, social media accounts, at blog na gagamitin sa kampanya.

—Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.