Magsasaka natagpuang patay sa Zamboanga del Norte, posibleng natuklaw ng ahas

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2019 10:16 AM

PIÑAN, Zamboanga del Norte – Posibleng tuklaw ng ahas ang sanhi ng pagkamatay ng isang magsasaka na natagpuan Miyerkoles sa isang barangay dito sa bayan.

Natagpuan ang bangkay ng 54 anyos na magsasakang si Dioscoro Lastimosa Miyerkoles ng umaga sa madamong bahagi ng Barangay Sigabe.

Kalapit ng kaniyang bangkay ang timba, tsinelas at nagkalat na mga isda na pinaniniwalaang nahuli ng biktima.

Nakita sa imbestigasyon ng pulisya na may tatlong magkakatabing sugat na halos gatuldok ang laki sa kaniyang hita.

“Posibleng natuklaw ng ahas ang biktima lalo’t may napatay na dati ang mga residente dito, ‘yung tinatawag na taliban tang na ahas na 11 talampakan ang haba,” sabi ng imbestigador na si PO3 Erric Bahin ng Piñan Police Station.

Ayon kay Paulyn Mae Laranjo, special investigator ng Animal Wildlife Division ng Department of Environment and Natural Resources, maaring isang king cobra ang umatake sa biktima.

Makamandag ito at inaatake ng venom ang nervous system ng tao na nagdudulot ng hirap sa paghinga.

Ayon sa maybahay ng biktima na si Jocelyn, nagpaalam ang kaniyang asawa noong Martes ng umaga na aalis lang upang manghuli ng isda sa sapa at agad na babalik bago pa ang tanghalian.

“Nag-alala na ako nang hindi siya makauwi kahapon kasi ang sabi niya uulamin namin ‘yong huli niya,” ani Jocelyn.

Paalala ng awtoridad sa mga residente, iwasan munang magpunta sa matalahib na lugar habang hindi pa nahuhuli ang ahas upang maiwasan ang katulad na pangyayari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.