Mag-live-in partner timbog sa buy-bust sa Agusan Del Sur

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2019 03:47 PM

AGUSAN DEL SUR — Inaresto nitong madaling araw ng Huwebes sa bayan ng San Francisco ang mag-live-in-partner dahil sa umano ay pagbebenta ng ilegal na droga at pag-iingat ng mga hindi lisensiyadong armas, ayon sa pulisya.

Nagkasa ang mga pulis ng buy-bust operation matapos may magsumbong na may nangyayaring bentahan ng droga sa isang lodge sa Barangay 5, base sa police report ng San Francisco police.

Isang police asset ang nagkunwaring bibili ng shabu at nakipagtransaksiyon sa suspek na si Sammy Noron, ayon sa ulat.

Tinangka umano ni Noron na tumakas gamit ang kotse matapos matunugang pulis ang katransaksiyon pero nahuli rin siya.

Naaresto rin ang kinakasama ni Noron na si Marissa Monte, na naroon sa pinangyarihan ng operasyon.

Nakumpiska sa dalawa ng anim na pakete ng shabu na may timbang na 140 gramo at nagkakahalagang P1.4 milyon.

Nakuha rin sa mga suspek ang baril at mga bala.

Kinasuhan ang dalawa ng illegal possession of firearms at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-- Ulat ni Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.