PatrolPH

Hinihinalang miyembro ng NPA, patay sa engkwentro sa Laguna

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2019 07:50 PM

Isang hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) ang napatay sa engkwentro Huwebes ng umaga sa Barangay San Buenaventura sa bayan ng Luisiana, Laguna.

Ayon sa First Infantry Division ng Philippine Army, tinutugis ang mga suspek sa panununog sa mga construction equipment sa Infanta, Quezon nang magkasagupaan ang mga sundalo at rebelde.

Ang grupong ito rin umano ang kumpirmadong gumawa ng panununog.

Ayon pa sa militar, dahil sa dami ng mga sundalo ng gobyerno ay nagawa nilang mapaatras ang mga hinihinalang NPA kung saan habang papatakas na ay nakasagupa ang isa pang grupo ng mga sundalo.

Dalawang rebelde rin ang nasugatan sa ikalawang engkwentro na tumagal ng 15 minuto.

Narekober sa encounter site ang ilang mataas na kalibre ng baril, ilang gamit sa paggawa ng bomba, gadgets at bandila na simbolo ng grupo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.