3 patay, 1 kritikal sa banggaan ng SUV at tricycle

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2019 11:39 AM

Upi ang kaharapan ng SUV matapos na banggain ang nakasalubong na tricycle na sinakyan ng tatlong nasawi sa Sta. Barbara sa Iloilo.

STA. BARBARA, Iloilo – Tatlo katao ang nasawi matapos salpukin ng SUV ang sinasakyan nilang tricycle sa Barangay Lanag sa nasabing bayan, Huwebes ng madaling araw.

Dead on arrival sa ospital si Jehro Paul Suribio at live-in partner na si Janice Surmieda. Namatay naman makalipas ng ilang oras ang kapatid ni Surmieda na si Rommel habang ginagamot sa ospital.

Kritikal din ang pinsan ng mga biktima na si LJ Surmieda na nagtamo rin ng malubhang sugat sa ulo at katawan.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Sta. Barbara Municipal Police Station na papunta sana ng istasyon ng pulis ang mga biktima nang salpukin ng kasalubong na SUV na minamaneho ni Aries Severo.

Walang nasaktan sa mga sakay ng SUV bukod sa driver na nagtamo ng mga galos sa katawan.

Sa lakas ng pagkakabangga ay nagkahiwa-hiwalay pa ang mga parte ng tricycle habang wasak naman ang unahang bahagi ng SUV.

Kinumpirma ng pulisya na nakainom ang driver ng SUV dahil amoy alak pa ito habang iniimbestigahan sa ospital. Nahaharap ito sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at frustrated homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.