Sanggol sa Leyte, patay sa landslide dulot ng ‘Basyang’

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 12:10 AM | Updated as of Sep 13 2018 12:25 PM

Natabunan ng gumuhong lupa ang bahay ng mag-iinang Tumandao sa Albuera, Leyte Martes. Kuha ng Albuera Police

Patay ang 2 buwang sanggol sa isang landslide sa Barangay San Pedro, Albuera, Leyte Martes ng hapon.

Kinilala ang sanggol bilang si Christian Jake Tumandao. Nakaligtas naman ang ina niyang si Jenessa Tumandao at 2 kapatid na sina Rex, 3, at Kim, 7.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Albuera Police, nasa bahay ang mag-iina nang gumuho ang lupa dahil sa walang humpay na pag-ulan dala ng bagyong Basyang.

Nakatakbo palabas ng bahay ang 3 at naiwan sa loob ang sanggol.

Sinubukang iligtas ang sanggol ng mga kapitbahay at dinala siya sa rural health unit ngunit patay na nang makarating doon.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya ukol sa pangyayari.

Agad namang isinagawa ang forced evacuation sa mga residente na naninirahan malapit sa gumuhong bahagi ng barangay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.