Pari patay sa aksidente sa Eastern Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 11:50 PM

Patay ang isang pari matapos banggain ng isang trak ang sinasakyan nitong SUV sa Barangay Naparaan, bayan ng Salceda sa Eastern Samar Martes ng hapon.

Ayon sa Police Regional Office 8, nakilala ang biktima na si Fr. Moises Mel Campo, 50 taong gulang.

Base sa imbestigasyon, binangga ng kasalubong na trak ang sasakyan ng pari matapos mawalan ng kontrol sa manibela ang drayber ng trak.

Hindi nakilala ang drayber ng trak dahil tumakas ito matapos ang insidente.

Naisugod pa sa ospital si Campo pero namatay rin habang ginagamot.

Kasalukuyan nang pinaghahanap ng pulisya ang tumakas na drayber.

Samantala, sugatan rin sa hiwalay na aksidente ang isa pang paring kinilalang si Fr. Edmel Raagas, 30 taong gulang.

Nasunog ang sasakyang minamaneho ni Raagas matapos bumangga sa poste ng kuryente sa Barangay Anuron sa bayan ng Mercedes Martes din ng hapon.

Naaksidente ang pari dahil sa madulas na kalsada.

Parehong sa Guiuan naka-assign ang dalawang pari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.