Negosyanteng naniningil ng utang, pinagtataga

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 10:01 PM

Laslas ang leeg at tadtad ng taga sa katawan ang isang 38-anyos na negosyante nang matagpuan Martes ng umaga sa Zamboanga City.

Ayon kay Chief Inspector Chester Natividad, nasakay umano sa motorsiklo ang biktima na si Arnel Pantaleon nang tagain ng limang salarin sa isang makipot na daan sa Kilometer 18, Barangay Bungiao.

Halos mapugutan ng ulo ang biktima dahil sa lalim ng sugat nito sa leeg. May mga sugat din ito sa katawan.

Sabi ni Natividad, nakilala nila ang tatlo sa limang salarin base sa testimonya ng isang testigo.

Ang magkapatid umano na sina Marvin, Melvin at Martin Samonte ang nasa likod ng brutal na pagpatay kay Pantaleon.

Ilang araw bago ang insidente ay nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo ang biktima at ang tatlong magkakapatid dahil lang sa utang.

Nakukulitan na daw kasi ang magkakapatid sa halos araw-araw na pagkubra ng biktima. Tinakot pa umano ng magkakapatid si Pantaleon gamit ang isang baril.

Maliban sa isang bolo, ay may nakita rin isang bala ng M-16 rifle malapit sa katawan ng biktima.

Inaalam pa ng pulisya kung binaril din ng mga salarin si Pantaleon habang ito ay nakahandusay na sa lupa.

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis pero hindi na nila naabutan ang mga salarin sa kani-kanilang mga bahay.

Sasampahan ng kasong murder ang magkapatid na Samonte, kasama ang dalawa pa nilang kasamahan.

Samantala, napag-alaman din ng pulisya ng may arrest warrant ang biktima sa kasong frustrated homicide.

Pero wala umano itong kinalaman sa mga salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.