Mga resort, hotel sa Boracay, naalarma sa bantang 'closure' ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 08:32 PM | Updated as of Sep 14 2018 09:18 PM

Ilang beses nang sunod-sunod pinatatamaan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang mga talumpati ang Boracay island dahil sa umano'y pagiging marumi nito. 

Tinaningan din niya si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu para linisin ang binansagang "island paradise."
    
"I will give you (Cimatu) 6 months to clean up Boracay. LGU (local government unit) ang may responsibilidad dito. Sila 'yung nga nagma-manage sa cleanliness...Pina-close ko na 'yung 51 (establishments). Matapos na itong proseso within a week," pagbabanta ng pangulo. 

Hindi na bago ang madalas na reklamo sa basura ng Boracay lalo na kapag may mga malalaking event.

Pero ang mga manggagawa at negosyanteng naninirahan sa isla, nagsimula nang mangamba. 

Ang tricycle driver na si Gabriel Gado, nag-aalala dahil tanging pamamasada lang ang ikinabubuhay niya.

"Wala tayong magagawa, masakit sa amin iyan," ani Gado. 

Nagmamay-ari naman ng mga bangkang pang-island hopping si Alejandro Dela Peña, pero aminado siyang pabor siya na isara ang isla.

"Para matulungan din ang Boracay para maging malinis ba na para pagpasok nila wala silang ma-comment," saad ni Dela Peña.

Pero giit ng ilang may-ari ng hotel at resort, huwag naman sana silang lahatin.

"Nasaktan nga kami regarding sa statement na i-close 'yung Boracay, marami namang nagko-comply talaga, hindi naman lahat ng tao sa Boracay ay violators, hindi naman siguro fair na madadamay 'yung mga sumunod," hinaing ni Nenette Graff, presidente ng Boracay Foundation, Inc.

Naayos na ng lokal na pamahalaan ang problema sa gabundok na basura dahil nailipat na ang mga ito sa Malay, Aklan pero problema pa rin ang sewerage system.

Nakipagpulong ang DENR sa mga Boracay stakeholders para resolbahin ang problema sa drainage system ng isla.
    
Nauna na ring sinabi ng ilang environmental planner na kailangang limitahan ang bilang ng mga turista sa Boracay para mapanatili ang linis at ganda nito.

--Ulat ni Bea Zaragosa, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.