21,000 katao inilikas dahil sa hagupit ni ‘Basyang’

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 11:01 PM

Nawasak ang ilang bahay sa Barangay Tigao sa bayan ng Cortes sa Surigao del Sur dahil sa walang tigil na pag-ulan dala ng bagyong Basyang, Pebrero 12, 2018. Richmond Hinayon, ABS-CBN News

MANILA- Lumobo na sa 21,000 katao o halos 5,000 pamilya ang inilikas dahil sa bagyong Basyang nitong Miyerkoles.

Ang mga inilikas ay mula sa Surigao del Sur, Surigao del Norte, Bohol, at Cebu, ayon sa tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na si Romina Marasigan.

Nauna nang sinabi ng Office of Civil Defense na 8 ang nasawi sa pananalasa ng bagyo sa rehiyon ng Caraga.

Dagdag pa ni Marasigan, nakararanas din umano ng problema sa kuryente ang mga residente ng Siargao, lungsod ng Silay sa Negros Occidental, at sa Biliran dahil sa mga natumbang poste.

Hindi naman madaanan umano ang ilang kalsada sa Capiz, Surigao del Norte at Surigao del Sur dahil sa baha.

Pinag-iingat ng NDRRMC ang mga residente sa mga lugar na apektado ng bagyo.

Nauna nang nag-landfall ang bagyo sa Cortes, Surigao del Sur at sa lungsod ng Dumaguete sa Negros Oriental noong Martes.

Inaasahang muli itong tatama sa lupa sa Palawan ngayong Miyerkoles, ayon sa PAGASA.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.