2 patay, 3 sugatan sa pagtaob ng van sa Sarangani

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 11:46 PM | Updated as of Sep 15 2018 05:47 PM

Bumaligtad ang isang van sa gilid ng national highway sa Barangay Tinoto, Maasim, Sarangani Lunes ng hapon. Kuha ni Bayan Patroller Mike De Mesa

Dalawa ang patay habang tatlo ang sugatan matapos tumaob ang isang pampasaherong van sa Barangay Tinoto, Maasim, Sarangani Lunes ng hapon.

Kinilala ang mga biktima bilang sina Nancy Badara at Basher Damda. Dead on the spot si Bandara habang dead on arrival sa ospital sa General Santos City si Damda. 

Nasa ligtas na kalagayan na ang 3 sugatan na sina Jessy Lina Hermetanio; Mica Bandara, 5; at driver na si Rodolfo Ubaldo.

Nahaharap si Ubaldo sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple physical injuries.

Ayon sa ilang testigo, pumutok umano ang gulong ng van at nawalan ito ng control sa madulas na kalsada.

“Mabilis kasi ang takbo niyan at nakita namin na pumutok 'yung isang gulong niya tapos pumasok na siya du'n sa kabilang lane. Bumalibag pa 'yan ng isang beses kaya 'yan, nakabaligtad na siya. Sumalpok pa 'yan du'n sa neem tree," ani Jun Ladaran, residente.

Pinag-iingat ng mga awtoridad ang mga motorista lalo na at maulan ang panahon nang mangyari ang aksidente.

Ayon sa mga residente, hindi lang ang van ang nadisgrasya sa highway sa Barangay Tinoto. Simula raw ng patungan ng aspalto ang kalsada dumami na ang mga nadisgrasyang motorista.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.