2 babae arestado dahil sa pekeng pera

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 01:57 AM | Updated as of Sep 13 2018 05:16 PM

Kalaboso ang dalawang ginang, kabilang ang isang senior citizen, matapos mahulihan ng mga pekeng pera sa Brgy. San Roque sa Navotas City nitong Martes.

Kinilala ang mga suspek na sina Erlinda Lumida, 60, at Sharon Ancheta, 45.

Ayon kay PO2 Paul Roma, ang imbestigador ng kaso, inaresto ang dalawa matapos nilang bumili ng isda sa isang tindera gamit ang pekeng P1,000.

Nang mapansin ng tinderang si Evangelyn Orog na peke ang binayad ay hinawakan nito ang mga suspek at tumawag ng pulis na nasa lugar.

Nang kapkapan pa ay nakuha sa mga suspek ang isang wallet na naglalaman ng mga hinihinalang pekeng bills na umaabot ng P58,000 ang halaga.

Aminado ang mga suspek sa kanilang ginawa ngunit hindi sinabi kung kanino nila ito nakuha.

Ikinulong na sa Navotas Police Station ang mga suspek habang dadalhin sa Bangko Sentral ng Pilipinas ang mga pekeng pera para maberipika ng awtoridad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.