2 anyos, natagpuang patay sa Tagum city

Rodirey Salas, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 11:40 PM | Updated as of Sep 15 2018 02:23 PM

TAGUM CITY—Natagpuang patay ang isang 2-anyos na babae sa isang niyogan sa Purok Bayanihan, Barangay San Miguel Martes ng hapon.

Nadiskubre ni Atilano Salbino, tagapastol ng kalabaw, ang batang babae na walang suot na shorts at nakasubsob ang buong mukha sa damuhan.

Ilang metro mula sa bangkay ng biktima ay nakita ang hinubad na shorts.

Ayon kay Salbino, pasado ala-1 ng hapon Martes nang may napansin siyang tao sa may damuhan kaya agad niya itong ipinagbigay-alam sa barangay.

Sa imbestigasyon ng Tagum City Police, napag-alamang madaling araw pa ng Linggo nawawala ang biktima.

Dagdag ng pulisya, may hawak na silang person of interest na posibleng makatuturo sa iba pang responsable sa krimen.

Ayon kay Senior Insp. Anjantte Tirador ng Davao del Norte Provincial Police Office, isasailalim din sa autopsy ang bangkay ng biktima.

Humiling ang ina ng biktima na si Catherine Duterte na matulungan sila ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabigyang hustisya ang pagkamatay ng kaniyang anak at mahuli sa madaling panahon ang mga suspek, lalo na't sinasabi ng ina na malayong kamag-anak nila ang pangulo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.