MAYNILA — Inilabas na ng Civil Service Commission (CSC) ang panuntunan sa pagbibigay ng night shift differential pay sa mga empleyado ng gobyerno.
Ito'y matapos pagtibayin ng CSC ang Implementing Rules and Regulations o IRR ng An Act Granting Night Shift Differential Pay to Government Employees na nagkakaloob ng karagdagang bayad sa mga empleyado sa gobyerno na ang pasok ay sa gabi.
Nilagdaan ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing batas noong April 13, 2022.
Sa ilalim ng batas, pinapahintulutan ang karagdagang bayad sa mga kawani ng gobyero na nagtatrabaho sa night shift o panggabing pasok.
Kabilang dito ang mga empleyado sa mga government-owned or controlled corporations (GOCCs) na ang posisyon ay mula sa pagiging Division Chief at pababa o katumbas nito, anoman ang estado ng kanilang appointment o pagkakatalaga sa puwesto.
Ayon sa CSC, pasok sa mga makikinabang sa batas na ito ang mga empleyado ng gobyerno na ang opisyal na oras ng pasok ay mula 6 p.m. hanggang 6 a.m.
Hindi saklaw ng batas na ito ang mga kawani ng gobyerno na ang pasok naman ay mula 6 a.m. hanggang 6 p.m., gayundin ang mga empleyadong “on call” 24-oras kada araw gaya ng mga uniformed personnel.
Sa ilalim ng batas, ayon sa CSC, hindi dapat lalagpas sa 20 percent ng hourly basic rate ng empleyado ng gobyerno ang kanyang tatanggaping night differential pay.
Sa mga public health workers naman, sinabi ng CSC na hindi rin dapat mas mababa sa 10 percent ng kanilang hourly basic rate ang matatangap nilang night differential pay.
“The night shift differential pay shall be at a rate not exceeding 20 percent of the hourly basic rate of the employee, as authorized by the head of agency. In the case of public health workers, the rate shall not be lower than 10 percent of their hourly basic rate,” ayon sa CSC.
Ayon sa CSC, para sa mga national government agencies, ang halaga na kailangan para sa inisyal na implementasyon ng batas na ito ay manggagaling dapat sa kanilang tinanggap na pondo habang ang pasahod para dito ng mga local government units o LGUs ay dapat na kukunin sa kanila ring pondo.
Para naman sa mga GOCCs at kanilang subsidiaries, dapat na kuhanin ang pondo sa kani-kanilang corporate funds.
Sabi ni CSC Chairperson Karlo Nograles, nararapat ang naturang benepisyo sa mga empleyado ng gobyerno na inaasahan para sa 24/7 na operasyon ng mga tanggapan ng pamahalaan.
“Malaki ang pasasalamat natin sa ating mga medical personnel, air traffic controllers, mga nasa immigration, customs, emergency communications, at marami pang iba na nagtatrabaho sa night shift. Sila ang mga lingkod bayan, o lingkod bayani, na sumisigurong tuluy-tuloy ang pagbibigay ng serbisyo ng pamahalaan, mapa-araw man o gabi,” ani Nograles sa pahayag.
Hinikayat din ni Nograles ang mga ahensiya ng pamahalaan na gumawa ng kanilang internal rules sa pagbibigay ng night differential pay.
“Hinihimok din natin ang mga pinuno ng ahensya—katuwang ang kanilang human resource (HR) officers at employees’ organizations—na paigtingin ang pagtalima sa mga applicable occupational safety and health standards, at mag-explore ng mga karagdagang benepisyo na maaari pang ibigay upang maibsan ang mga posibleng epekto ng night shift work sa kalusugan at overall well-being ng kanilang mga empleyado,” ani Nograles.
Ayon sa CSC, magkakabisa ang batas sa Pebrero 24, 2023 dahil nailathala na ang IRR nito sa mga pahayagan noong Pebrero 6 at 9.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.