Dangwa vendors, umaaray sa mas kaunting kita bago ang ‘pandemic Valentine’

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2021 11:59 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Iniinda ng ilang nagtitinda sa Dangwa flower market sa lungsod na ito ang matumal na kita ngayong bisperas ng Araw ng mga Puso sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic. 

"Medyo matumal, kasi maulan saka pandemic, saka ang mga tao hindi lumalabas ng kanilang bahay," ayon sa vendor na si Pinky Buenafe Catudio. 

Ngayong pandemya, may mga nagpapasyang umiwas na lumabas, partikular na sa mga matataong lugar dahil sa pangamba sa COVID-19. 

May ilan din na sa online namimili ng mga bulaklak para makaiwas sa dumog ng taong kalimitang nakikita sa mga flower shopping hub gaya ng Dangwa. 

Pero paalala ng mga samahan ng mga flower shop sa Dangwa na maging maingat ngayong naglilipana ang mga online scam. 

"Tingnan niyo po kung, halimbawa, ang flower shop nila kung saan ang location. Then sino ang taong ka-chat. Kung sakaling hindi naman maibigay ang bulaklak, pwede nilang ireklamo," ani Dangwa Flower Shops Association president Raffy Oronan. 

Narito naman ang presyuhan ng mga bulaklak sa Dangwa, na bahagyang tumaas ngayong bisperas na ng Valentine's Day. 

Rosas

  • P900/dosena (dati: P350/dosena) 

Malaysian mums 

  • P180 - P200/bungkos (dati: P150/bungkos) 

Ecuadorian Rose

  • P200-P250/stick (dati: P150/stick) 

Stargazer

  • P200/stick (dati: P150/stick) 

Sunflower

  • P80 to P120/piraso (dati: P250/10 piraso) 

Variety Bouquet 

  • P1,000 to P1,500 (dati: P800) 

Naglibot naman ang mga pulisya para masundan ang distance protocols sa lugar. 

-- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.