MAYNILA - Dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo ang napatay nang mauwi sa engkwentro ang buy-bust operation ng pulisya sa Cultural Center of the Philippines complex sa Pasay City Biyernes ng gabi.
Bumulugta mula sa natumbang motorsiklo ang 2 suspek na natadtad ng bala sa shootout sa gilid ng gusali ng Manila Film Center.
Ayon kay Police Col. Cesar Paday-os, hepe ng Pasay City police, nagtangkang tumakas ang mga lalaki at nakipagpalitan ng putok sa mga tauhan ng station drug enforcement unit.
Binibilhan noon ang target na si alyas “Ogag” at ang kasamahan ng 25 gramo o nasa mahigit P50,000 halaga ng shabu.
Sabi ni Paday-os, unang namaril ang mga suspek sa katransaksyong undercover na pulis na nakasakay sa kotse.
"Parang napansin niya, nakita niya ‘yong mga operatives natin may mga kasama. So nagduda siya, pinutukan ‘‘yong personnel natin,” sabi niya.
Hindi nasaktan ang pulis, pero natamaan ng bala ang bintana at dashboard ng sasakyan.
Doon na umano gumanti ng putok ang mga kasamang security back-up hanggang mapatay ang 2 suspek.
Ayon kay Paday-os, 3 araw nang target ang suspek pero noong Biyernes lang natuloy ang pagkikita sa madilim na tabi ng gusali.
"TIngnan mo naman ‘yong area it’s very conducive to proceed sa mga ganyan na transaction kasi dito pa dinala ‘yong tira-tira natin,” sabi niya.
Narekober sa mga katawan ng suspek ang pinambayad na pera at 2 baril—tig-isang caliber .45 at caliber .38.
Nakuha rin ang ilang mga ID at lisensya kabilang ang ID ng food app courier mula sa rider, pero kinukumpirma pa ng pulisya kung pagkakakilanlan ito ng mga napatay.
Iimbestigahan din ng pulisya ang mga source at iba pang kasamahan ng mga suspek.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
drug war, war on drugs, nanlaban, police encounter, buy-bust, shabu, Manila Film Center, Pasay City, Tagalog news