Virus travel ban: Taiwan jobs para sa mga Pinoy baka mapunta sa iba

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2020 05:20 PM | Updated as of Feb 13 2020 08:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Baka mapunta sa mga manggagawa sa ibang bansa ang mga trabaho sa Taiwan na nakareserba sa mga Pilipino kapag tumagal ang travel ban, ayon sa isang samahan ng mga manpower agency.

Maraming overseas Filipino worker (OFW) na papunta sanang Taiwan ang nangangambang mawalan ng trabaho matapos isama ang lugar sa travel ban na ibinaba ng gobyerno bilang pag-iingat sa pagkalat ng novel coronavirus.

“Kapag hindi po namin na-supply ang worker with that period of time, baka po bawiin sa’min ang job order, ipa-cancel ang visa dito at ilipat [sa workers] sa Indonesia and Vietnam,” ani Aida Gerodias, pangulo ng Pilipino Manpower Agencies Accredited to Taiwan (Pilmat).

Hanggang 200,000 ang bilang ng mga OFW sa Taiwan, karamihan ay factory workers na sumasahod ng P40,000 kada buwan.

Bukod sa Taiwan, sakop din ng travel ban ang Mainland China, Hong Kong, at Macau.

Itinanggi naman ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo ang ideya na kaya isinama ang Taiwan sa travel ban ay dahil kinikilala ng Pilipinas ang lugar bilang bahagi ng China alinsunod sa “One-China Policy.”

Ayon kay Panelo, kaya isinama ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Taiwan sa travel ban ay dahil sa mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 doon.

“Sabi ni Presidente kagabi, ‘My primary concern is the health and safety of our countrymen. Until the danger persists, then we have to do what is necessary to secure their safety,’” ani Panelo.

Pero taliwas ito sa naging pahayag ni Panelo noong nakaraang linggo: “Since there is a ban on China, necessarily, Taiwan, being part of China, is included.”

Nakatakdang magdaos ng emergency meeting sa Biyernes sina Labor Secretary Silvestre Bello III at iba pang opisyal para pag-usapan ang travel ban sa Taiwan.

Habang hinihintay ang desisyon, may P10,000 tulong para sa mga OFW na papunta o pabalik mula Taiwan.

-- Ulat nina Alvin Elchico at Arianne Merez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.